Miyerkules, Pebrero 29, 2012

Para sa mga Kababaihan



Babae
 (Hango sa Sanaysay na “Sa Mga Kabataang Dalaga sa Malolos”)
ni Manuel Xanders


                     (Iniwasto ni G. Danilo Del Mundo, -guro sa Sanaysay at Talumpati)                                                                              
            Iba’t ibang disposisyon, paniniwala, katangian ngunit, iisa lamang ang kanilang pagkakatulad, -ang kasarian. Maganda at mabangong bulaklak kung isalarawan ngunit tagapagsilbi naman kung ituring. Kababaihan, ano ba talaga ang dapat nilang kalagyan dito sa ating lipunan? At sino ba sila sa buhay ng bawat nilalang na sinisilang dito sa ating mundo?
            Ate, tiya, nanay, at lola, -mga gampaning binibigyang buhay ng bawat babae sa bawat tao dito sa mundong ibabaw. Kilala bilang sa mga katangiang malinis, mahina, at tagasunod lamang. Araw-araw na hawak ang mga kagamitang maaaring magpapaligaya sa kanilang pamilya. Ngunit, hanggang kailang kaya silang magsisilbi sa atin? Hanggang kailang mananatiling mahina sa paningin ng karamihan?
            Inilarawan ni Rizal sa kanyang likhang Sanaysay na “Sa mga Kabataang Dalaga sa Malolos,” ang mga katangian ng mga babae/kababaihan na sumasalungat sa imaheng matagal nang nabuo sa ating isipan. Binanggit niyang ang kabataang babae/dalaga sa nasabing lugar ay hindi ayon sa kung anong nalalaman natin sa kanila sapagkat nasaksihan niya na ang mga kababaihan dito na inaakala niyang karaniwan lamang na nagluluto, naglilinis, nagsisilbi ay tila kanila na mismong mga katawan at isipan ang bumasag sa imaheng ito. Sapagkat, ang mga kababaihang ito ay nagpamalas ng kalakasan at tapang upang ipaglaban ang karapatan at ang kaisipang  dapat ay matagal na nilang nilabas o ipinakita tulad ng pagtatrabaho para sa kanilang pamilya.
            Sinubukan din na pangaralan ang mga kababaihan na darating na sa pagiging ina at ang mga kasalukuyang ina na dapat ay turuan nila ang kanilang mga anak ng katotohanan at mabuhay ng may kinikilalang Diyos, ang Diyos na hindi nanlalamang kundi alam ang pagkakapantay-pantay ng antas o estado ng bawat mamamayan ng lipunan.
            Sa kasalukuyang henerasyon, ang nagpapatunay na taglay din ng mga kababaihan ang lakas at tibay ng mga kalalakihan. At sa panahon ring ito napagtanto ng lahat ang kakayahan ng bawat tao ang pantay-pantay lamang na ipinamigay/ibinahagi ng Diyos na kung matututuhan nating pagsama-samahin ay bubuo ito ng masagana at maunlad na bayan.

Panawagan sa Mamamayang Pilipino


Diwa
(Hango sa Sanaysay na “Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan”)
ni Manuel Xanders


                    (Iniwasto ni G. Danilo Del Mundo, -guro sa Sanaysay at Talumpati)
                Bawat patak ng pawis, tagumpay ang naaarok. Ngunit sa panahon ng Kastila’y tila pawis ay patak ng tubig na lamang kung turingin. Sapagkat sa panahong nagnanasang makawal sa kulungang puno ng buwaya, dangat at puri, pati na dugo’y kinakailangang ihandog sa mga buwitreng kayamanan ay nasa.
            Daan-daang taon na ang nakalipas, pisikal na katayua’y malaya na, Perlas ng Silangana’y wala nang nagbabantay ngunit mga mamamaya’y puso’t isipan ay sakop pa rin ng kapangyarihan ng buwitreng sabik sa kayamanan. Nasaan na nga ba ang diwang katipunan, na hindi pasasakop sa mga buwitreng patalikod sumalakay? Nasaan na ang pusong nagnanais na maging tuluyang malaya sa buwayang sugapa sa pagkaing nakikita? Tila atin nang nakalimutan ang dagat ng dugo na umapaw sa ating bayan para lamang magapi ang pagkauhaw sa kalayaan, ang mga kulturang nailibing dahil sa mga gawing ipinamalit sa ating isipan; mga pagkataong tinapaktapakan sa malapot na putik ng lupain ng bayan.
            Namumuno ngayon sa bayan ay isa ring buwaya kung tawagin. Sapagkat kaban ng bayan ay inaangkin, na dapat ang mga mamamayan ang may-ari ng pakinabang. Sa pagnanasang makaupo sa upuang ginto, bayan ay ibinubusog sa pangako, isipa’y binubulag ng makakapal at nagniningning na Halaga. Ngunit sa oras na ang mga puwit ay nananahan na sa silyang dulot ay langit, mga pangakong sinambit, sa panaginip na lanag maihahatid. Pag-asa kung sila’y tawagin, bakit ngayo’y salot na sa paningin? Tulad din ng mga buwitre’t buwaya sa kasaysayan na nagnasa sa lupain ng perlas, matatamis na salita’y sa una’y inialay ngunit ang paniningil, sa dahas idinaan.
            Huli na lamang mapapansin ang mga kamaliang/pagkakamaling nagawa sapagkat sa huli na rin lamang bubusisiin ang mga kasalukuyang naisagawa. Ngunit, hindi pa huli ang lahat para makatulong sa bayan. Huwag isiping ikaw’y pinaglalamangan bagkus kumilos at mag-alsa sa paniniwala ng bayan.
            Sa isip mo ngayo’y sana’y hindi na lamang nagbulag-bulagan na sa una pa lamang  ay katiwalian na ang nangingibabaw. Kaya’t sige, ngayong nasok na sa iyong isipan, humayo ka’t tumayo sa nasasakupan tulad ng Ama ng katipunan, buhay at dangal ang inialay sa bayan.


Kuwento ng Tunay na Pag-ibig


Kahon ng Pag-ibig
ni Juan Manuel Banquito (Manuel Xanders)
ika – 20 ng Oktubre, 2011, Huwebes

Anim na taon na ang nakalilipas nang muling bumalik sa Pilipinas si Regina mula sa bansang Amerika. Nakapagtapos siya nang kanyang pag-aaral sa Amerika ng kursong Bachelor in Fine Arts, Major in Interior Designing. Nakapag-aral siya sa ibang bansa dahil sa scholarship na kanyang natanggap noong araw nang kanyang pagtatapos sa sekundarya. Nagpasya siyang bumalik dito sa Pilipinas sa dahilang umaasa siya na kapag nalaman ni Samson, ang lalaking minamahal niya mula pa nang siya ay nasa Ikaapat na Taon pa lamang ng sekundarya, na siya ay nakapagtapos na at may sarili nang negosyo ay mamahalin na siya nito.
Si Regina ay isang matalino at masipag na babae, bukod pa diyan ay nagtataglay din siya ng kagandahang loob pati na panlabas. Tinuring pa siyang campus sweetheart sa loob ng apat na taon ng kanilang paaralan noong siya ay nasa sekundarya pa. Mas nakilala pa siya bilang ang pinakamatalinong estudyante sa kanilang paaralan. Tinuring pa sa kaniya ng kanyang mga guro, mapababae man o lalaki ay dream girl sapagkat lahat ng katangian ng isang babae ay makikita na sa kaniya.
Nakilala niya si Samson nang ito ay kanyang maging kamag-aral noong sila ay nasa Ikatlong taon na sa sekundarya, transferee kasi itong si Samson. Si Regina ang unang kumausap dito sapagkat siya ang pangulo ng kanilang klase. Noong una pa nga ay hindi niya nagustuhan ang pag-uugali nitong si Samson sapagkat ito ay nagpakita ng kayabangan sa kanya nang siya’y magpakilala dito at magpakilala sa harap ng buong klase. Tulad ni Regina, matalino at gwapo rin naman itong si Samson yun nga lang ay may kaunting kayabangan itong ipinamamalas sa iba. Sa buong taon na naging kamag-aral niya si Samson ay hindi na niya muli itong kinausap matapos nang una nilang pagkakakilala.
Nang sila ay tumuntong na sa kanilang huling taon sa sekundarya, naging kamag-aral pa rin ni Regina si Samson. Sa kanilang unang linggo sa pagiging senior ay nilapitan siya ni Samson at humingi ito nang kapatawaran sa nagawa niyang pambabastos kay Regina at agad naman siyang pinatawad ni Regina. Pagkatapos nang kanilang pag-uusap ay naging kaibigan na rin nila Regina si Samson. Lagi na ring kasama ni Samson ang grupo ng mga kaibigan ni Regina bilang sila lamang ang talagang naging kaibigan nitong si Samson.
Dumating ang buwan ng eleksyon para sa paghahalal ng panibagong pamunuan ng kanilang Supreme Student Government (SSG) na kasalukuyang si Regina ang pangulo dito. Ang buwan na ito ay tumapat din naman sa kanilang linggo ng pagsusulit. Walang nagawa si Regina kundi ang hilingin ang tulong ni Samson bilang pareho naman sila palagi ng mga naiisip na bagay. Tuwing pagkatapos ng kanilang klase ay laging tumutuloy agad ang dalawa sa opisina ng SSG upang paghandaan ang nalalapit na eleksyon. Dito na rin sila nagtutulungan para balikan ang mga kanilang napag-aaralan para sa kanilang periodical test. Dito na rin nagsimula ang lihim na pagtingin ni Regina kay Samson.
Dumating na ang araw ng eleksyon at napagtagumpayan naman nila ang lahat ng mga bagay na kanilang nagawan ng plano.
Isang hapon sa kantina, lumapit si Samson kay Regina upang magpatulong ito na ligawan ang isa sa kanyang mga kaibigan na si Ellery. Walang nagawa si Regina kundi ang sumang-ayon sapagkat naisip niya na ayaw din naman niyang tanggihan ang hiling ni Samson sapagkat ayaw nga niya itong mapalayo sa kanya.
Simula nang pag-uusap na iyon ay naging tulay siya nang pag-iibigan nina Samson at Ellery. Kasabay din nito ang pagkabasag nang kanyang puso sapagkat hindi naman niya mapigilan ang lalong paglalim nang kanyang pagtingin sa binata.
Pagkatapos nang isang buwan ay naging magnobyo’t nobya na si Samson at si Ellery sa tulong ni Regina. Sa araw na sinagot ni Ellery ang panliligaw ni Samson sa kanya ay doon na rin nagsimulang lumayo ang binata kay Regina na naging dahilan upang lalo pang masaktan ang pusong nagmamahal sa binata.
Malapit na ang buwan ng kapaskuhan nang muli siyang kinausap ni Samson at bigyan siya nito ng isang regalo, isang panyo na may nakaburdang pangalan ni Regina. Pag-iyak at yakap ang tanging naging sukli ni Regina kay Samson.
Bakit Reg? May nagawa ba akong mali?” ang pagtatakang tanong ni Samson.
Wala, Masaya lang talaga ako. Teka, bakit mo ba ako niregaluhan?” ang pagtatanong na sagot ni Regina.
Ahh, wa…wala, wala lang, pasasalamat ko yan! Salamat ha?” ang mautal-utal na sagot ni Samson sa dalaga.
Umuwi agad si Regina pagkatapos niyang matanggap ang munting regalo mula sa binata. Lubos ang kasiyahan na nadarama ni Regina nang matanggap at nang ibalik ni Samson ang mainit na yakap na ibinigay niya. Tinabi pa niya ang pinambalot at ang munting lalagyan ng panyong bigay ng binata sa kanya.
Buwan ng Pebrero na at nalalapit na ang Junior-Senior Promenade Night o JS Prom Night ng kanilang paaralan, namomroblema itong si Regina sapagkat hindi naman niya alam kung makakapunta ba siya doon dahil sa dami nang kanilang mga gawain. Ngunit dumating ang isang araw na humingi naman ng tulong ang kaibigan niyang si Ellery sa kanya, na siya na lamang ang maging kapartner ni Samson sapagkat hindi naman siya marunong magsayaw at gustong gusto kasi sumali ni Samson sa cotillion ng kanilang JS Prom. Aga-agad naman ang pagsang-ayon ni Regina upang ito na ang maging daan niya para ipagtapat ang tunay niyang nararamdaman kay Samson.
JS Prom na nila, napag-usapan nina Regina na susunduin siya ni Samson sa kanilang tahanan upang sabay na silang magtungo doon sa reception ng kanilang JS Prom. Inaasahan ni Regina na tanging si Samson lamang ang susundo sa kaniya ngunit nagkamali siya at tila nakalimutan niya na may nobya ang lalaking minamahal niya at kapartner lamang niya ito sa pagsasayaw. Pagdating nila sa reception ay agad nang naghanda ang lahat ng mga kasali sa cotillion kaya nama’y muli na namang nakasama ni Regina si Samson. Habang sila ay nagsasayaw, binuksan na agad ni Regina ang usapan kay Samson. Ipinagtapat niya ang tunay niyang nararamdaman kay Samson. Sa lubhang pagkagulat ni Samson ay hindi niya sinasadyang maiwan si Regina sa gitna ng mga nagsasayaw na mga mag-aaral, sa harap ng maraming tao. Walang nagawa si Regina kundi umiyak na lamang at sinubukang umiwas sa kahihiyang natanggap niya. Ang lahat ng mga guro ay nagulat pati na ang mga mag-aaral kaya naman ay ipinatigil na agad ang pagsasayaw.
Pagkatapos ng gabing iyon, lubhang dinamdam ni Regina ang nangyari noong gabing akala niya ay ang magiging pinakamasayang parte ng kanyang buhay na humantong naman sa isang malaking kahihiyan at isa na namang malaking pagkabigo. Isang linggong lumiban sa klase si Regina, ang dahilan niya ay nagkasakit siya kahit na ang totoo ay nais lamang niyang umiwas sa mga tao lalo na kay Samson.
Nang muling pumasok si Regina ay agad naman siyang kinausap ni Samson at himingi ng tawad sa nagawa niyang pag-iwan sa kanya sa gitna ng maraming tao. Agad din naman niyang pinatawad ang binata sapagkat mahal nga niyang tunay si Samson.
Malapit na ang kanilang pagtatapos ngunit ang pagmamahal ni Regina kay Samson ay tila lalong lumalalim na dapat ay matapos na. Sa tuwing uuwi itong si Regina ay lagi siyang umiiyak sa iba pa niyang mga kaibigan sapagkat nasasaktan siya dahil hindi niya makayang tanggapin na ang magiging kaagaw pa pala niya ay isa sa kanyang mga kaibigan, si Ellery.
Graduation day na, ang huling araw ng kanilang pagkikita ni Samson.
Sa pagtakbo ng seremonya ay hindi inaasahan ni Regina na naipasa niya pala ang scholarship na inaplayan niya sa Amerika. Magkahalong lungkot at tuwa ang nadarama niya nang umakyat siya nang entablado at matanggap ang mga papeles papuntang Amerika. Natutuwa siya sapagkat matutupad na niya ang pangarap niya na makapag-aral ng interior designing sa Amerika at makapagtayo ng negosyo sa iba’t ibang bansa. Malungkot naman siya sapagkat mag-isa lamang siyang mamumuhay doon at mapapalayo siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan at lalo na kay Samson ngunit wala siyang ibang magagawa kundi ang tanggapin na lamang ang mga oportunidad na nasa kanyang mga kamay na.
Sa Amerika, natutunan ni Regina na mamuhay mag-isa at dahil sa kulang din naman ang natatanggap niyang pera mula sa scholarship ay napilitan din siyang magtrabaho habang nag-aaral.
Pagkaraan ng apat na taon ay natapos niya ang kursong kanyang pinag-aralan at pinagsumikapan. Pagkatapos noon ay sumubok naman siyang magtayo ng isang negosyo, ang pagbebenta ng mga kagamitang bahay at consultation sa pagdidisenyo ng mga bahay. Namuhay pa ng panibagong dalawang taon si Regina sa Amerika at naging bihasa pa lalo sa propesyong tinahak niya. Nakapagpatayo na rin si Regina ng sarili nilang bahay sa Pilipinas na mismong mga kamay niya ang gumawa ng disenyo.
Ngunit isang araw, naisip ni Regina na mayroon na nga siya ng lahat ng mga bagay at nakamit na niya ang mga pangarap na matagal na niyang ninanais pero pakiramdam niya ay kulang pa din ang mga ito upang maituring niya ang kanyang sarili bilang isang masaya at matagumpay na babae. Naisip din niya na mahal pa rin pala niya ang binatang naging dahilan kung bakit niya nakamit ang mga pangarap na ito kaya naman ay sinubukan niyang magbalik sa Pilipinas upang makita ang binata at ipakita na matagumpay na siya at umaasa na mamahalin na siya sa pagkakataong ito.
Pagdating sa Pilipinas ay agad siyang tumungo sa paaralan kung saan siya nagtapos ng hayskul. Nagpasalamat siya sa kanyang mga guro at sa lahat ng bumubuo ng paaralan na iyon. Bilang ganti ay nangako din siya na kung may kailangan ang paaralan na mga kagamitan o tulong pangpinansyal ay tawagan lamang siya at ibibigay niya ang mga ito. Pagkatapos niya dito ay agad siyang tumungo sa bahay na kanyang naipatayo. Masaya siya sapagkat nakita na rin niya ang pagmamay-ari nilang tahanan na sarili niyang mga kamay ang gumawa ng disenyo.
Kinabukasan pagdating niya sa Pilipinas ay sinubukan niyang pumunta sa tahanan nila Samson ngunit nabigo siyang makita ang binata sapagkat hindi na roon nakatira ang binata. Upang aliwin ang sarili ay tumungo muna siya sa isang mall sa Makati at doon niya nakita ang binatang hinahanap ng puso niya, si Samson. Nilapitan niya ang binata at nakapag-usap din sila kahit sandali sapagkat may isang bata na bumasag sa kanilang pag-uusap at nagwikang:
Papa, umuwi na po tayo!” ang pagod na wika ng isang bata.
Uhm, Papa? Anak mo, Samson?” ang pagtatakang tanong ni Regina.
Uhm, oo nga pala, si John, anak namin ni Ellery.” ang masayang sagot ni Samson.
Tila gumunaw ang mundo ni Regina nang marinig niya ang winika ni Samson sa kanya. Gulat na gulat siya at walang ibang nagawa kundi yakapin ang bata at ang batiin ng congratulations si Samson. Kahit na nasasaktan na siya ay sinubok pa rin niyang tanungin si Samson kung sila ba ni Ellery ay kasal na at tila nakabawi siya nang kasiyahan nang malaman niyang hindi pa kasal ang dalawa. Nakuha pa rin niyang magbitiw ng birong siya na daw ang bahala sa pagdidisenyo ng magiging tahanan nilang mag-anak.
Linggo-linggo ay binibisita ni Regina ang pamilya ni Samson upang kumustahin na rin ang kanyang kaibigan na si Ellery na kailanma’y hindi niya kinagalitan. Kung minsa’y nagbibigay din siya nang pera sa mag-anak sa tuwing kinukulang ito ng panggastos sa pang-araw-araw.
Sabado nang tumungo si Samson sa tahanan nila Regina at humihingi ito nang tulong na kung puwede ay pumasok siya sa kumpanya ni Regina sapagkat siya ay natanggal sa trabaho. Tinanggap niya si Samson at ginawang Store Manager ng isang branch ng kanyang negosyo sa pagtitinda ng mga kagamitang pangbahay.
Sa pagkakataong ito, sinubukan muli ni Regina na ipagtapat kay Samson na iniibig pa rin niya ang lalaki kahit na anim na taon na ang lumipas nang huli silang nagkita at nag-usap. Ngunit at tinanggihan siyang muli si Samson sapagkat huli na daw ang lahat para sa kanila. Nagtaka si Regina sa sinambit ni Samson sa kanya.
Ha? Sa ‘ting dalawa? Ibig mo bang sabihin ay mahal mo rin ako?” ang gulat na gulat na pang-uusig ni Regina kay Samson.
Oo Regina, nung nasa hayskul pa lang tayo!” ang panghihinayang na sagot ni Samson.
Pero bakit mo hinayaan na umabot pa sa ganito? Hindi, hindi totoo yan! Kung mahal mo nga ako dapat dati, dapat noon pa lang, hindi mo na ako hinayaan na mapalayo pa sa’yo!” ani ni Regina.
Natakot ako, natakot ako na baka masaktan si Ellery.” umiiyak na sambit ni Samson.
Bakit ako Samson? Hindi ba ako nasaktan ha? Samson, basag na ako, wasak na wasak na ang puso ko.” umiiyak na panunumbat ni Regina.
Patawad Regina, pero sana tandaan mo na mahal na mahal kita, noon pa.” sagot ni Samson.
Masarap isipin na nagmula sa’yong mga bibig ang mga salitang iyan ngunit hindi pa rin sapat ang mga iyan para mapatunayan mo na mahal mo nga ako, na minamahal mo nga akong tunay” ani ni Regina.
Pagkatapos ng usapan nila ay sinubukan nilang maghiwalay ngunit biglang may naramdaman na pananakit sa ulo si Regina na dahilan upang dalhin siya ni Samson sa ospital.
Paggising ni Regina sa ospital ay wala na si Samson, tanging pamilya at mga kaibigan na lamang niya ang naroroon. Pinayuhan si Regina na manatili muna sa ospital sapagkat kinakailangan niyang dumaan sa ilang mga laboratory tests upang tignan kung ano ba talaga ang naging sanhi nang malubhang pagsakit ng ulo niya. Bukod pa dito ay nakitaan siya ng mga sintomas ng brain cancer base doon sa mga pinasagutang tanong sa kanya.
Humigit-kumulang dalawang buwan din na namalagi si Regina sa loob ng ospital at sa loob ng dalawang buwang iyon ay dalawang beses lang din niya nakita ang mga anino ni Samson, laging ang kanyang asawang si Ellery lamang ang nakikita niya. Sa loob din ng dalawang buwan na pagsusuri sa kalusugan ni Regina ay napatunayan nga na may brain cancer siya. Hindi ito matanggap ni Regina sapagkat para sa kanya ay hindi katanggap-tanggap na magkaroon siya nang ganoong klase ng sakit.
Patuloy pa rin na namumuhay ng normal si Regina, sinisikap niya na mapagaling ang sarili pati na ang mga sugat sa puso niya. Dumaan sa iba’t ibang proseso ang katawan ni Regina tulad ng CT Scan, radiotherapy, mga surgeries at nagsimula na rin siyang dumaan sa chemotherapy na inaasahang may malaking maitutulong sa kanyang paggaling. Sinubukan din niyang tumungo muli ng Amerika upang magpakonsulta na baka mali ang diagnosis sa kanya ngunit napatunayan na brain cancer talaga ang sakit niya ay nasa Stage 3 na ito.
Mag-iisang taon nang dinadala ni Regina ang sakit niya at pati ang mga sugat sa kanyang puso. Malapit na rin ang kaarawan niya ngunit may dala-dala na naman siyang panibagong pasakit bukod sa pagkasawi sa pag-ibig.
Bagong Taon na at kaarawan na ni Regina, inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga kaibigan kasama ang pamilya ni Samson. Sabay-sabay nilang sinalubong ang bagong taon ng puno ng saya at halakhakan. Sabay-sabay din silang nagpaputok ng iba’t ibang uri ng makukulay na paputok at kumain ng masasarap na pagkain na ang ilan ay inihanda ni Regina.
Matapos kumain ay dinala ni Samson si Regina sa lugar kung saan ang pinakapaborito nitong pamalagian, ang kanilang hardin. Dito ipinagtapat ni Samson na nalalapit na ang kanilang paghihiwalay ni Ellery sapagkat nahuli niya daw na may ibang lalaking kinababaliwan si Ellery at hinihintay na lamang niya ang tamang oras upang tapatin si Ellery. Nalungkot si Regina sa mga sinabi ni Samson tungkol sa mga ginawa ni Ellery na sa pagkakakilala niya ay hindi kayang gawin ng kaibigan niya. Sa kabilang dako, Masaya na rin si Regina sapagkat para sa kanya ay ito na ang magiging pinakamalaking regalo sa kanya ng Panginoon sa kanyang kaarawan.
Dumating na nga ang araw na hinihintay ni Regina na magkasama na nga sila ni Samson. Ngunit sa mga panahon ng kanilang pagsasama ay napapansin niya na nahihirapan din si Samson sa kalagayan niya dahil halos hindi na ito nakakatulog nang maayos sa tuwing siya ay inaatake ng kanyang sakit.
Sa kaarawan ni Samson, sinubukang sorpresahin ni Regina ang lalaking kinakasama, nagluto siya ng iba’t ibang masasarap na pagkain at nagbalot pa ng isang panyo upang magsilbing regalo niya sa minamahal. Si Samson ay manggagaling sa opisina at inaasahan ni Regina na makakauwi ito nang alas-otso ng gabi. Ngunit nagkaroon ng problema sa kumpanya si Samson na naging dahilan upang mapilitan siyang mag-overtime para agad na maresolbahan ang problema na kinakaharap ng kumpanya. Lingid sa kanyang kaalaman na ang minamahal niyang si Regina ay naghanda ng mga pagkain at regalo para sa kanya.
Sa paghihintay ni Regina kay Samson ay tila napagod ang sistema ng katawan niya at bigla na naman siyang inatake ng sakit niya at lubos niyang kinakailangan ang tulong ni Samson. Sinubukan niyang tawagan sa opisina si Samson pero tila namanhid na ang buong katawan niya at hindi na niya magawang humawak ng mga bagay-bagay. Ramdam din niya ang tila pagbibiyak ng kanyang ulo na nagiging dahilan sa kanya para manghina ang kanyang katawan. Sa sobrang pananakit ay hindi na ito kinaya ng kanyang sistema at bumitiw na lamang, tuloy ay bumagsak sa kanilang sahig ang nanliliit at nanghihinang katawan ni Regina.
Alas-onse na ng gabi nang dumating sa kanilang tahanan si Samson. Pagbukas niya ng kanilang pinto ay ginulat siya nang katawang nakahandusay na tila pilit humihingi ng tulong at naghahangad na makalabas ng bahay, ang katawan ni Regina. Kaya nama’y kahit hindi pa siya tuluyang nakakapasok sa kanilang tahanan ay agad na rin siyang umalis kasama ang walang malay na katawan ni Regina patungo sa ospital.
Pagdating sa ospital ay agad niyang tinawagan ang pamilya ni Regina at mga kaibigan nito. Sinubukan niyang magpakatatag ngunit nang makita na niyang paparating ang mga magulang ni Regina ay hindi na niya napigilang tumangis sa sobrang pag-aalala at takot na wala sa kanya si Regina.
Makalipas ang ilang sandali ng paghihintay, ang resulta na kanilang hinihintay ay tunay na nagpagulat sa kanila.
Ms.Quintos is under state of coma and we wouldn’t know when will she wake up again.” wika ng doktor kay Samson, sa pamilya at sa mga kaibigan ni Regina.
Hindi matanggap ni Samson ang narinig kaya nama’y hindi rin niya nagawang pigilan ang sarili na suntukin ang doktor, buti na lamang ay naroroon ang ama ni Regina para pigilan ito na saktan nang paulit-ulit ang doktor.
Hindi! Wala kang karapatan para sabihin ‘yan! Birthday ko ngayon, at magkasama naming ipagdiriwang ‘yon! Kaya gawin niyo ang lahat ng inyong magagawa para magising at gumaling siya!” ang pasigaw at tumatangis na wika ni Samson sa doktor.
Alas dose nang hatinggabi, tuluyan na ngang bumitaw si Regina.
Tumangis ang pamilya at ang lahat ng kaibigan ni Regina sa loob ng silid sa ospital. Ngunit nagulat ang ina ni Regina nang mawala sa kanilang paningin si Samson. Sinubukan nilang tawagan si Samson ngunit hindi man lamang niya sinubukang sagutin ito.
Si Samson ay tumungo sa tahanan nila ni Regina at doon nakita niya ang mga pagkaing kanyang hinain at ang regalong panyo ni Regina para sa kanya na may kasamang sulat na nagsasabing:
Mahal, lubos ang sayang nadarama ko nang pinili mong mamuhay kasama ako sa kabila ng sakit na mayroon ako. Masaya rin ako dahil ang hiling ko na mahalin mo rin ako ay natupad at binigay ng Diyos na walang sinumang nasasaktan. Mahal, salamat sa mga gabing pinuputol mo ang iyong pagkakahimbing sa pagtulog para lamang yakapin at hagkan ang mga labi ko para mawala ang sakit na nararamdaman ko. Ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan at ang pinakamasayang nangyari sa buhay ko. Mahal, mahal na mahal kita.”
Sa iyo lamang,
Regina
            Habang binabasa ni Samson ang sulat ay hindi niya napigilang tumulo ang nag-uumapaw na luha sa kanyang mga mata at hinalikan ang regalong panyo na mula kay Regina, ang panyong may pangalang burda ni Regina.

Sanaysay


Pulo
(Hango sa Sanaysay na “Ang Pamilya”)
ni Manuel Xanders

(Iniwasto ni G. Danilo Del Mundo, -guro sa Sanaysay at Talumpati)
Napakaganda ng bansang Pilipinas gayundin ang mga mamamayan rito. Mga mamamayang hinubog ng mga magulang o maaari nating sabihing, -ng pamilya, pamilyang may magandang himig na kung baga sa musika ay masarap sa tainga kung pakikinggan. Sinasabi na ang pamilyang Pilipino ang may pinakamagandang imahe sa lahat ng lahi dito sa mundo, mula pa lamang sa mga sa pagdiriwang ng mga okasyon, sa pagdating ng mga trahedya o kaya naman kahit sa simpleng araw lamang ay makikita ang ngiti at lungkot na kanilang pinagsasaluhan nang may buong pag-asa at pagtutulungan. Nabanggit ang salitang “lungkot”, sa isang pamilya anu-ano kaya ang maaaring sanhi ng mga lungkot, pighati, at pagdadalamhati ng mga miyembro ng isang pamilya?
            Bansang pulo-pulo, mga lalawigang hiwa-hiwalay, imaheng isa ring nagpapaganda sa heograpikal na larawan ng Pilipinas pero bakit tila ito rin ang nagiging isang imahe ng isang pamilya, pamilyang Pilipino.
            Bawat pamilya ay may kanya-kanyang mga suliranin na maaaring nakaharap na o kaya nama’y kakaharapin pa lamang. Mga suliraning maaaring magpatibay pa ng Samahan o maaari ring dahilan, maging dahilan ng pagkakawatak-watak ng pamilya.
            Sino ba ang may nais na masira ang kanilang pamilya? Ngunit dumarating talaga ang panahon na kinakailangan nang tapusin ang binuong institusyon. Alam naman natin na sa bawat nagmamahalan, ang pamilya ay dapat na may komunikasyon ang bawat miyembro nito. Ibig sabihin, isa sa mga dahilan ay ang pagkawala ng komunikasyon. Madalas ay nagaganap ito sa mga pamilyang may magulang na sa sobrang pagbibigay pahalaga sa trabaho at sa Kinabukasan ng kanilang mga anak ay nakakalimutan na nilang kumain ng sabay-sabay, na alam nating mabisang paraan upang magkasama-sama at magkausap ang bawat isa. Ngunit, dahil sa sobrang abala sa mga bagay ay nakakalimutan nang magkaroon ng komunikasyon o kamustahan lalo na sa pagitan ng ama sa ina, nang magulang sa mga anak. At dahil dito, nagdudulot ito na magkaroon ng paghihinala o pagkawala ng tiwala sa isa’t isa o ang tinatwag na lambingan sa pamilya.
            Isa pa rito ay ang insecurity ng maaaring nang ama sa ina o nang ina sa ama sa loob ng pamilya na maaaring natatakpan ng babae ang ego ng lalaki na nagsasanhi rin ng pagtatalo sa pagitan ng magulang.
            Sa Kabuuan, isang pamilya, malawak na pag-intindi ang malaking hinihingi sa bawat miyembro nito. Wala man sa pamilya niyo ang lahat ng yaman, mahalaga ay sama-sama at masaya ang bawat araw na bubuksan ninyo. 

Tula para sa taong Minamahal



Panaginip lang
ni Manuel Xanders

Sa pagsara at pagbukas ng mga mata,
Tanging mukha mo ang lagi kong nakikita.
Ngiting may kislap na tulad ng isang tala,
Na sa gabi ay minsan lamang makikita.

Sa tuwing mga mata ko ay napipikit,
Sa kilig ay kailangan ko ng medical kit.
Sa mga eksena puso ko'y naiipit,
Tila bulateng pilipit sa sobrang sakit.

Ang pagsalubong sa panibagong umaga,
Ay mukha mong may saya na wala sa iba.
Para kang milo na pundasyon ng araw ko,
Na nagbibigay ng init sa katawan ko.

Ngayon na ikaw ay aking naaalala,
Pagmamahal sayo’y lalong pang lumalala.
Dahil paghabol sayo'y wala akong angal,
Ngunit sa pagtakbo ng isip ako'y hingal.

Sa pagtulog ko ngayon ako'y maligaya,
Sapagkat sa panaginip tayo'y malaya.
Tila lovers na walang tigil ang lambingan,
Sa mga eksenang tunay ngang kaiinggitan.

Ngunit sa paggising luha'y tumulo bigla,
Sa mundo ng pantasya'y nagising na pala.
Tila lobong gawa sa pampaligong sabon,
Sandali lang pala ng ako ay ginumon.

Ikaw’y superhero sa oras ng pagtulog ko,
Na sasagip sa pagdadalamhati sayo.
Ililipad palayo sa mundong gising,
Habang isip ko’y patuloy na nahihimbing.

Isang Talumpati para kay Inay

Paalam Ina
ni Manuel Xanders

(Iniwasto ni G. Danilo Del Mundo, -guro sa Sanaysay at Talumpati)
           Sa pagbukas at pagsara ng aking mga mata tanging mukha niya ang lagging nakikita. Paghahanda ng aking sarili’y siya ang katuwang hanggang sa pagpapahinga’y siya pa rin ang kasama.
Naalala ko pa noon, noong ako’y musmos pa lamang, siya ang unang guro sa aking buhay. Bawat bigkas ng letra’y hinihimay-himay, mag paggalaw ng tama ay isinasalarawan. Tuwing ako’y namamali nakapaninindig na tingin ang ganti ngunit kapag sa pagwawasto ay nakararami, matamis na halik at ngiti ang sukli.
Sa araw ng pagpasok sa paaralan mga palad niya’y nakakabit sa aking mga kamay. Pagyakap ang habilin sa paghatid, ice cream at halik naman sa pag-uwi.
Tuwing sasapit ang kapaskuhan, krismas tri’y kanyang inihahanda. Aya niya sa aki’y “Anak, ako’y iyong tulungan.” Mabilis na pagtugon dapat aking isagawa. Sa pagkabit ng palamuti’y ngiti at galak ang handa naming at mga palad naman niya ang pampatamis sa paglalagay ng bituin sa langit.
Ngayong siya ay namamahinga na, pagsisisi ang nananariwa ‘pagkat dati’y naging pabigat din tulad ng iba. Pag-ibig sa kanya’y hindi naipakita, bakit ngayon lang nasaisip nang siya ay nakakahon na? Kaya ngayo’y pagpapatawad at pagmamahal pabaon sa paglalakbay niya.
Anim na taon na ang nakalipas nang siya ay magdesisyong mamahinga, bakit ang puso ko’y patuloy na nangungulila pa sa’yo ina? Ikaw na siyang ilaw ng tahanan bakit tila nadiliman mo ako ng iyong pagpanaw?
Kapayapaan ang panambitan sa iyong kaluluwa at sa takdang panahon tayo sana ay muling magkita.
Pangakong ako’y magbabayad at may interes pa, -sa mga pag-aarugang iyong inialay. Patuloy kong babaunin ‘yong turo sa buhay na patuloy gumalang sa lahat ng magulang.
Ikaw na aking tanglaw sa bawat gabing maingay, nagbibigay lakas ng loob sa bawat suliraning kinakaharap. Pag-ibig mong patuloy na mabubuhay Habang ikaw’y nahihimlay. Kaya ina, paalam na.